Alamin ang 5 Pinakakaraniwang Scam sa 'Pinas

Blog

April 16, 2021

alamin-pinakakaraniwang-scam

Dahil sa hirap ng buhay, maraming tao ang madaling masilaw sa "mabibilis na paraan" para kumita ng pera. Mabilis na nagtataasan ang mga bilihin kaya naman lahat ng paraan gustong sulitin ng mga wais na Pinoy. Dahil dito, naglipana ang scams at scammer na nais manamantala ng mga taong gusto lang kumita ng pera at marami ang nabibiktima ng mga ito.

Ano ba ang “scam”?

Ang mga scam ay paraan ng panloloko sa ngalan ng pera o kasamaan. Ang pangako ng scams ay mabilis at malaking halaga ng pera o produkto kaya naman maraming naloloko nito taon-taon

Dahil sa maunlad na teknolohiya gaya ng mga computer at ng Internet, mas malawak na ang naaabot ng mga scammer. Gamit ang mga ito, nakukuhanan ang mga naloloko ng pera, pag-aari, at impormasyon. 

Ano ang iba’t ibang scam na madalas maloko ang mga Pilipino?

Sa simula, hindi mukhang delikado ang scams. Madalas ginagamit ng scammer ang mga pangangailangan ng Pilipino sa gamit, relasyon, trabaho at salapi para makapang-gantso. 

Naka-package ang scams bilang siguradong paraan para matulungan ka, kaya dapat maging mapagbantay ka sa mga ito, suki! Narito ang ilang scam na madalas manloko sa mga Pilipino.

1. Online Shopping Scam

working-macbook-computer-keyboardPhoto courtesy of Negative Space via Pexels

Mahilig ka ba mag-online shopping, suki? Naku, mag-ingat sa mga iba’t-ibang klase ng online seller dahil baka nagkukunwaring nagbebenta ng produkto pero itatakbo lang pala ang pera mo nang hindi mo nakukuha ang binili mo.

Isa ring itsura ng online scam sa shopping websites ay ang pag-advertise na maganda ang produkto pero ‘pag natanggap mo ay hindi gumagana o hindi maayos ang kalidad.

Mga Red Flags Na Dapat Iwasan

Mapapansin mo ‘to kung sobrang baba ng presyo ng produkto at nagmamadali ang seller na mabayaran. Pagkatapos mo magbayad ay hindi ka na kakausapin ng seller at ayaw na nitong makipagkita para maibigay ang product.

1. Bumili lang sa mga lehitimong online shops. Tignan din kung mayroong Return o Refund Policy ang site kung sakaling magka-aberya. 
2. Tignan ang rating ng mga online seller. Pwede mo na malaman kung mapagkakatiwalaan ang seller dahil ang mga lehitimong online shopping websites ngayon ay merong nang rate the seller and buyer. 
3. Iwasan ding magpadala sa pamimilit ng seller na mabayaran agad sa pamamagitan ng pag-transfer ng pera. Kung kaya, kumbinsihin na makipagkita sa seller para na rin makita kung maayos ang produkto. Kung ayaw nito makipag-meet up, mas mainam na sigurong maghanap ng ibang pagbibilhan.

2. Online Investment Scam

airport-bank-board-businessPhoto courtesy of Pixabay via Pexels

Narinig mo na ba ang salitang ‘networking’, suki? Eto ang mga nangangakong sa maikling panahon ay lalago ang pera mo basta piliin mong mag-invest sa ‘kumpanya’ nila. Marami na siguro kayong kakilalang ganito na ang pinagkakakitaan.

Idadaan ng mga tao sa networking sa matatamis na kwento tungkol sa pagkita ng malaking pera ang pagkumbinsi sa’yo. Diumano’y palalaguin nila ang pera mo sa loob ng ilang buwan. Pero maya-maya, tinakbo na pala nila.

Mga Red Flags Na Dapat Iwasan

Mayroong ginawang infographics and Securities and Exchange Commission o SEC na investment scam checklist para tulungan ang mga Pilipino na makita kung lehitimo ba ang pinapasukan nila. Pinakatampok dito ang paniniguradong opisyal na kumpanya ang kinakausap mo at mayroon itong mga dokumento para patunayan ito. 

Paano maiiwasan?

1. Mag-validate ng impormasyon. Madali itong malaman sa pamamagitan ng paghingi ng address at contact number ng kumpanya at  pagse-search sa Internet kung lehitimong impormasyon ang ibinigay sa iyo.
2. Humingi rin ng pruweba na sila ay rehistrado sa SEC. Pwede mo rin bisitahin ang website ng SEC para hanapin kung lehitimo ang kumpanyang pinagbubuhusan mo ng pera.

3. Online Dating Scam

photography-of-couple-holding-handsPhoto courtesy of Andrea Piacquadio via Pexels

Sinasamantala rin ng scammer ang kagustuhang magkaroon ng kasintahan ng mga Pinoy. Maraming naloloko sa mga naghahanap ng relasyon sa Internet para perahan ang mga ito. Tinatawag itong online dating scam, at marami nang nabibiktima nito.

Sa una’y kakabiganin ka sa social media ng scammer na ito at kapag nahulog ka na sa kanya, sisimulan ka na niyang hingan ng pera. Puwede ka rin nilang hingan ng impormasyon gaya ng address at banking details para nakawan ka sa inyong bahay o gamitin ang mga detalyeng ‘to para maglabas ng pera mo sa bangko.

Kadalasang gumagamit ng pekeng profile sa social media ang scammer. Isa ring babala kung wala silang masyadong mga friend o litrato. Makikita mo ring kahina-hinala ang pagpupumilit na makipag-chat sa iyo kahit wala namang rason. Kapag nagsimula na manghingi ng pera o personal na impormasyon, maaaring kahinahinala na ito.

Mga Red Flags Na Dapat Iwasan

1. Suriing mabuti ang mga kinakausap mo. Wala namang masama sa pakikipagrelasyon sa pamamagitan ng social media. Kung kayang imbestigahan nang mas malalim ang profile na gamit niya, mas mainam. Kahina-hinala rin kung pinipilit niyang huwag kayong magkita gamit ang iba’t ibang dahilan.

4. Phishing

computer-desk-electronics-indoorsPhoto courtesy of Burst via Pexels

Isa pang madalas na nanggagantso sa mga Pinoy ay ang phishing scams. Ang phishing ay kadalasan nakikita bilang mga pop-up sa website o mensahe sa email. Inililink ka ng mga mensaheng ito sa mga website na mukang lehitimo pero sa totoo lang ay gagamitin para kunin ang personal mong impormasyon.

Sa katunayan, naglipana ang phishing scam ngayon sa panahon ng coronavirus. Maraming scammer ang nananamantala sa takot ng mga tao sa kumakalat na sakit na ito at nanghihikayat na bigyan ang scammer ng impormasyon mo para manakawan ka ng pera o malagyan ng virus and device mo. Gumagamit pa sila ng mga logo at website ng mga lehitimong organisasyon gaya ng World Health Organization at Center for Disease Control para lokohin ang mga tao.

Mga Red Flags Na Dapat Iwasan

Suriing mabuti ang mga link na nakikita mo. Kapag napunta ka sa website na kahina-hinala, mag-research pa tungkol sa website para malaman kung tunay ‘to. Madalas ding nakikita agad ng iyong email na spam ang nakukuha mong mensahe. Mag-ingat sa mga nile-label ng iyong email provider bilang mga spam message.

Paano maiiwasan?

1. Tingnan mabuti kung maayos ang spelling at grammar ng mensahe. Madalas nagkakamali ang scammer sa pagsusulat ng mga mensahe nila.
2. Huwag magbigay ng account details gaya ng username at password sa mga hindi kilalang website. Ang mga website gaya ng sa CDC at WHO ay hindi nanghihingi ng log-in credentials.

5. Recruitment scam

businesswomen-businesswoman-interview-meetingPhoto courtesy of Tim Guow via Pexels

Mahilig din manloko ng mga naghahanap ng trabaho ang mga scammers sa pamamagitan ng illegal recruitment. Maraming mga advertisement sa Internet na naghahanap diumano ng magtatrabaho abroad at marami rin ang kumakagat dito.

Naniningil ang mga recruiter na ito ng libo-libong pera para kunwari’y asikasuhin ang papeles mo sa pag-alis ng bansa. Madalas, tuloy-tuloy ang paghingi nila ng pera pero wala namang nagagawa para ayusin ang iyong pagpunta abroad.

Isa pang porma ng recruitment scam ang paghingi sa iyo ng bank credentials ng ina-applyang kumpanya. Dahil nagbigay ka rin sa kanila ng resume, hawak-hawak na ng pekeng kumpanyang ito ang iyong mga personal na impormasyon na sapat para nakawan ka ng pera sa bangko o magpanggap na ikaw at gamitin ang identity mo para sa mga hindi kaaya-ayang gawain.

Paano maiiwasan?

1. Maging mapagbantay sa iyong mga inaapplyan. Puwedeng mahalata agad ang mga pekeng job offer kung susuriing mabuti ang job description. Kung hindi ito malinaw o ‘di kaya nama’y magulo, maaaring hindi lehitimo ang ino-offer na trabaho. 
2. Araling mabuti ang mga nakikitang job offer sa Internet. Suriing maigi ang job description at website ng kumpanya. Mag-research sa kumpanyang nag-ooffer at pati na rin sa taong kumokontak sa iyo.
3. Maghanap lang ng trabaho sa mga lehitimong mga website at job portal. Ito ay para maiwasang makakita ng pekeng offer.

Naglipana man ang iba’t ibang scams sa Internet, hindi naman mahirap iwasan ang mga ito. Kailangan lang maging mapagmatyag at huwag masyadong magpadala sa mga kahina-hinalang offer na magkaroon agad ng maraming pera, trabaho, o relasyon.

Gumamit lamang ng mga lehitimo at mapagkakatiwalaang establisyimento gaya ng Palawan Express Pera Padala para sa’yong mga transaksyon. Maglaan ng oras para mag-research sa mga pinapasok na kasunduan o trabaho para sa’yong mga transaksyon. Dito, kampanteng kampante kayo sa mga solusyon namin para matulungan ang mga cusomers how to track their remittances.

Laging maging mapagbantay sa mga nakukuha o mga nakikita sa mga website, at protektahang maigi ang ‘yong personal na impormasyon. Madali lamang makaiwas sa scams kung mananatiling mapagmasid sa’yong paggamit ng Internet.

Share: