Dahan-dahan, May kasabihan: 12 Filipino sayings about saving money

Blog

May 12, 2021

filipino-sayings-saving-money

Hindi maituturing na expert sa pag-iipon ang mga Pilipino. Likas daw kasi sa atin ang pagiging selfless at mapagbigay. ‘Yun bang tipong may kailangan bayaran pero kapag kinulang sa pang-birthday si bunso o humirit ng bagong sapatos ang pamangkin, bigay agad. Pamilya kasi at minsan lang naman.

Pero may good news naman! Ang sabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas, mas natututo nang mag-ipon ang mga Pinoy. Noong 2017, tumaas sa 48% mula sa 45% ang mga Pinoy na may ipon. Nabawasan din ang dalas ng pag-utang. Sa madaling sabi, mas nagiging responsable at mature na ang mga Pinoy pagdating sa paghahawak ng pera.

Kung tutuusin, maraming inspirasyon na pwedeng mahugot sa mga sikat na kasabihan o salawikaing Pinoy na pwedeng i-relate din bilang Filipino sayings about money-saving. Tignan natin kung alin dito ang may pinakamalakas na impact sa’yo.

Kung may tinanim, may aanihin

Kung may tinanim, may aanihin

Ibig sabihin nito, ang mga aksyon mo ngayon, may epekto sa kinabukasan. Kung ‘di ka nag-ipon ngayon, malamang kahit senior citizen ka na, kumakayod ka pa rin. Maaari ring i-relate ito sa insurance at pagkakaroon ng emergency funds. Kung nagtatabi ka para sa kinabukasan ng mga anak mo o para sa pagreretiro at pagtanda mo, may aanihin ka pagdating ng araw.

Pag may tiyaga, may nilaga

Tanggapin mo na, hindi ka mananalo sa lotto. Pwedeng tumaya at pwedeng umasa, pero hindi pwedeng tumunganga. Nasa sipag at tiyaga ‘yan. Huwag umasa sa swerte. Dapat maging masipag sa trabaho at maging disiplinado sa pag-iipon, para magkaroon ng ginhawa. Ika nga sa Ingles, “no pain, no gain.”

Kung may isinuksok, may madudukot

Kung may isinuksok, may madudukot

Halos ka-tono rin ito ng pagtatanim para may anihin. Kapag may isinuksok ka sa savings mo, may madudukot ka kapag kinailangan. Kung puro paggastos ang alam mo, wag ka na umasang may madudukot ka pa. Parang mga nauusong suki card ‘yan na sinusuksukan mo ng points sa bawat transaksyon. Ang suki card ng Palawan Pawnshop, may kaakibat na discount sa interes sa sangla at remittance fee. Meron ding rebates sa tuwing kukuha ng Palawan Express Pera Padala. Sa unang tingin, parang maliit na bagay lang. Pero pag naipon, masosorpresa ka na lang.

Kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot

Huwag gastusin ang perang wala ka. In short, kapag gipit, huwag ipilit. Sa panahon ng online shopping at kung anu-anong sale at promo, madaling ma-engganyong gumamit ng credit card o mangutang para lang sa luho. Ang kadalasang lusot: babayaran ko naman next month. Ang tanong: nabayaran mo ba? Isa sa walang palyang money-saving tips, umiwas sa utang. Hindi ka makakapagsimulang mag-ipon hangga’t lubog ka sa utang. Ang ending mo, mamaluktot dahil sa laki ng interes.

Ang kita sa bula, sa bula rin mawawala

Ang kita sa bula, sa bula rin mawawala

Ang sarap ng easy money, no? Hindi rin. Kung panandalian ang hirap, panandalian din ang ginhawa. Kung may lumapit sa’yo nangangakong kikita ng sampung libo ang isang daan mo sa loob ng tatlong araw, huwag maniwala. Baka ang isang daan mo, mauwi lang sa wala. Tandaan na ang lahat ng bagay na magbibigay nang wagas na kaligayahan, kailangan mong paghirapan.

Ang hindi napagod magtipon, walang hinayang magtapon

Ang sabi nga nila, kapag hindi pinaghirapan, hindi ka naman manghihinayang. Halimbawa na lang ang perang nakuha sa panalo sa sabong at perang isang buwan na binuno at pinaghirapan. Alin ang mas madaling gastusin?

Daig nang maagap ang masipag

The early bird catches the worm. Ibig sabihin, kung gusto mong magtagumpay, magsimula ka nang maaga. Parang sa pag-iipon din ‘yan. Hangga’t maaga pa at malakas pa ang katawan at maraming oportunidad para magtrabaho, mag-ipon ka nang mag-ipon. Kapag kasi may edad na, kahit anong sipag mo, baka kulangin ka na rin sa lakas at panahon.

Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga

Filipino savings quotes

May mga Pinoy na kung tawagin ay one day millionaire. ‘Yun bang tipong, dumadaan lang sa palad ang pera. Ang sweldo na isang buwan pinaghirapan, kayang ubusin sa isang gabi lamang. Ang mga Filipino tradition gaya ng piyesta kung saan pabonggahan ang magkakapitbahay, hindi dapat i-asa sa isang bagsak lang ng sahod. Matutong magplano at dumiskarte.

Ang umaayaw ay ‘di nagwawagi, ang nagwawagi ay ‘di umaayaw

Ano, suko na? Hindi madaling mag-ipon. Kailangan mo ng disiplina, mahabang pasensya, at kailangan marunong kang magtiis. Imbes na manood ng sine o bumili ng bagong bag, ipunin mo na lang. Mahirap ‘di ba? Lalo na kung lagi mong iniisip na deserve mo yun at reward mo sa sarili yun. Tandaan na deserve mo rin ang maginhawang buhay na ‘di nag-aalala kung saan kukuha ng pantutustos sa mga basic na pangangailangan.

Kung may hirap ay may ginhawa

Kung may hirap ay may ginhawa

Ang lahat ng bagay na masarap, gaya ng maginhawang buhay, may kaakibat na sakripisyo. Ang pag-iipon ay para sa mga taong naghahangad ng ginhawa at hindi takot na dumaan sa hirap. Tignan ni’yo na lang ang mga OFWs na nagpapakahirap sa ibang bansa para lang makalasap ng ginhawa ang iniwang pamilya. Kahit anong hirap, sulit naman daw. Pero, sasayangin mo ba ang sakripisyo nila? Ang bawat Pera Padala nila, sikapin na ipunin para pagbalik nila sa bansa, makatikim din naman sila ng ginhawa.

Habang may buhay, may pag-asa

Humihinga ka pa, kaya mo pa ‘yan. Kahit pa palagay mo medyo huli na, huwag matakot magsimulang mag-ipon. Laging mahirap ang unang hakbang, pero iyon ang pinaka-importante. Kaya wag kang mawalan ng pag-asa. Nasa sa iyo naman ‘yan.

Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa

Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa

Sadyang maka-Diyos ang mga Pilipino. Lagi nating sinasabi, bahala na si Lord d’yan. (Paminsan, pati si Batman, dinadamay.) Dapat lang na magdasal at humingi ng awa, pero huwag naman tumunganga sa paghihintay ng biyaya. Huwag gayahin si Juan Tamad. Kumayod at magdasal.

Pero higit sa lahat, ang isang katangi-tanging ugali ng mga Pinoy na ay ang natural na inuuna ang kapakanan ng pamilya. Kaya naman kadalasan ‘pag nakakatanggap o nakakapag-ipon ng pera, ang unang naiisip natin ay how to send money or give them sa mga kapamilya natin.

Sa mga kasabihan pa lang, siksik na sa kaalaman on how to save money each month. Magandang inspirasyon ang mga ito sapagkat swak sa kulturang Pinoy at parang mga pamana na rin ng mga nakatatanda sa atin. Kapag pinanghihinaan ng loob, humugot lang ng lakas mula sa mga ito.

Share: