Important Lessons Ngayong May Coronavirus Outbreak

Blog

March 19, 2021

lesson-covid

Hindi lang Pilipinas kung hindi pati buong mundo ang nalulugmok sa coronavirus outbreak o COVID-19 pandemic. Patuloy ang pagtaas ng kaso sa Pilipinas araw-araw kung kaya dapat pag-ibayuhin ang pag-iingat upang mapanatiling ligtas ang iyong sarili at iyong pamilya mula sa nakahahawang sakit na ito. 

Maaaring itulad ang pandemic na ito na isang sakuna kung kaya dapat alam din natin ang mga dapat gawin sa krisis kagaya nito. Alamin gamit ang article na ito kung paano maproproteksiyonan ang iyong sarili, Suki, upang mapanatiling #CovidFree ang iyong sarili. Sundin ang pamantayan ng Department of Health sa pag-iwas sa COVID-19. 

Nakakasawa man ang paulit-ulit na paalala, mahalaga pa ring sundin ang mga sumusunod na basic preventive measures upang mapanatiling #CovidFree ang iyong sarili:

1. Hugasan ang kamay nang 20 seconds gamit ang sabon

washing-handsPhoto courtesy of ivabalk via Pixabay

Mahalagang gumamit ng sabon sa paghuhugas ng kamay upang masiguradong mapapatay nito ang virus dahil hindi sapat ang tubig lamang. May kakayahan ang sabon na tunawin ang lipid layer ng virus na siyang kumakapit sa balat. Kailangan ding sundin ang 20-second rule dahil maaaring may matirang nanoparticle sa balat na sapat na upang ikaw ay ma-infect ng coronavirus.

2. Sumunod sa social distancing

crowd-reflection-color-toyPhoto courtesy of Markus Spiske via Pexels

Nakatutulong ang social distancing upang sugpuin ang coronavirus outbreak sa dalawang paraan: 

Una, nasisiguro nitong hindi ka basta-basta mahahawa ng COVID-19 dahil nababawasan ang tsansa mong magkaroon ng direct contact sa mga carriers. 

Pangalawa, nakatutulong ka rin na ma-flatten ang curve o mabawasan ang pagkalat nito dahil hindi mo binibigyan ng pagkakataon na mahawa ka ng virus. Sa ganitong paraan, nakakabawi at nakaka-keep up ang ating mga health facilities sa bilang ng kasong kailangan nilang tugunan. 

As much as possible, Suki, iwasan na lamang ang paglabas tulad ng pamamalengke. Kung makakita ng mobile palengke at online at grocery services, subukan ito upang ‘di ka na sumugal sa labas.

Sa pagbabayad naman ng mga bills, maaari ring sa online na lamang o sa mga malalapit na bills centers tulad ng mga piling Palawan Pawnshop centers upang maiwasan ang mahabang pila at di ma-delay at magpatong-patong ang iyong mga bayarin. 

3. Alamin ang tamang pagsusuot at gamit ng facemask

woman-wearing-maskPhoto courtesy of Ani Kolleshi via Unsplash

Suki, hindi lang basta-basta isinusuot ang facemask. Kailangan ding alamin ang tamang paraan ng pagsusuot nito upang magamit nang lubusan ang pakinabang nito.

Una, huwag damputin o hawakan ang facemask sa asul at puting bahagi nito. Mahalaga ito upang hindi mo ma-infect ang facemask gamit ang kamay mo. Hawakan lamang ito gamit ang lubid sa gilid.

Ikalawa, siguraduhing matatakpan nito ang ilong at bibig mo. Mainit sa Pilipinas kaya ang tendency ng iba ay ibaba ito sa butas ng ilong o nostrils dahil nahihirapan sila sa paghinga. Balewala ang facemask kung hindi nito matatakpan ang bibig at ilong mo na maaaring ma-infiltrate o mapasok ang virus.

Ikatlo, siguraduhing itapon nang maayos ang facemask matapos itong gamitin. Kailangan itong ituring bilang toxic waste. Hawakan muli ang facemask sa lubid at tanggalin sa iyong tainga. Gamit ang tissue, ibalot ito at ilagay ang nagamit na facemask sa basurahan. Pitong oras lamang ang tagal ng bisa ng facemask. Maghugas ng kamay pagkatapos.

Ilan lamang ito sa mga pinakamahahalagang panuntunan upang mapanatiling ligtas at #COVIDFree and iyong sarili ngayong panahon ng krisis. 

4. Maging mindful sa iyong budget

black-calculator-near-ballpoint-pen-on-white-printed-paperPhoto courtesy of Pixabay via Pexels

Hindi lamang sa kalusugan mayroong malaking impact ang coronavirus. Kasalukuyan din nitong pinipinsala ang ating ekonomiya at maaaring magpatuloy ito kahit na tapos na ang pandemic sa ating bansa.  

Ito ang dahilan kung bakit kailangan mong matutunang mag-budget ngayong may quarantine dahil walang nakasisiguro sa extent ng epekto at problemang maidudulot nito sa ating ekonomiya.

Upang masiguradong hindi mo basta-basta mauubos ang iyong inimpok na pera, maaaring gumamit ng planner upang ma-allocate ang iyong perang gagastusin sa isang buong linggo. Huwag gumastos nang pabara-bara at mag-panic buying.

Bawasan muna ang pagiging maluho, Suki, at planuhin nang maayos kung paano haharapin ang pandemic sa halip na magpantasya agad sa mga lugar at restawran na iyong pupuntahan at kakainan matapos ang qurantine period.

Kung wala ka pa ring ipon at hindi ka pa rin financially mindful sa iyong gastos, kailangan mo nang baguhin ito ngayon, Suki sa pamamagitan ng mga money saving hacks at tips na makatutulong sa’yo sa mga maaari pang dumating na problema sa hinaharap.

5. Alamin lagi ang latest na updates sa balita

man-holding-magazinePhoto courtesy of Roman Kraft via Unsplash

Patuloy na nagtatrabaho ang media upang mapanatiling updated ang mga mamamayan sa nangyayaring pandemya. Maglaan ng oras sa pagbabasa ng mga balita tungkol sa COVID-19 upang malaman ang kasalukuyang lagay ng bansa.

Kilatisin ding mabuti ang balitang binabasa bago ito paniwalaan. Iwasan ang pagpapakalat ng fake news tungkol sa virus. Maaaring sumali sa mga grupo tulad ng Fact Check Philippines upang siguradong verified ang iyong mga balitang ibinabahagi sa social media.

6. Alagaan ang iyong mental health

depressionPhoto courtesy of Joshuaclifford123 via Pixabay

Nakapipinsala rin ang virus sa kalusagang mental ng mga tao lalo na nang ipatupad ang lockdown at quarantine period. Nagdudulot ito ng pagkabalisa at pagkabugnot na maaaring maging sanhi ng pagbabago sa iyong pangangatawan. 

Halimbawa nito ang kahirapan sa pagtulog. Ang pagiging hirap sa pagtulog o pakakaroon ng sleep deprevation ay dulot ng anxiety na isang negative response sa pandemic. 

Maaari nitong baguhin at sirain ang iyong circadian rhythm o sleeping pattern, o ‘di kaya ay magdulot ng insomnia. Delikado ito dahil ang kulang na tulog ay nakakapagpahina ng ating immune system. 

Maraming mga tips to get more sleep, Suki. Isang halimbawa ang pagkontrol sa iyong paghinga habang ikaw ay nakahiga sa kama. Huminga nang malalim at magbilang ng limang segundo sa iyong isipan sa iyong pag-exhale. Ulit-ulitin ito hanggang sa ma-relax ang iyong muscles. Nababawasan nito ang stiffness ng iyong katawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na supply ng oxygen.

Makatutulong din ang pagbabawas sa pagbababad sa  blue light na nagmumula sa iyong cellphone o laptop bago matulog. Iwasan ang mga gawain na magdudulot ng mataas na stimulation sa iyong utak tulad ng panonood ng series na hindi ka tatantanan dahil sa mga cliff-hanger nito.

Huwag ding mahiyang maghanap online ng makakausap upang maibahagi mo ang iyong pagkabalisa sa pandemic. I-maintain ang contact sa iyong kaibigan, partner, at mga kamag-anak upang maiwasan mong maramdaman na nag-iisa ka lamang sa pagharap sa krisis na ito.

Higit sa lahat, mayroong mga online services na maaari mong lapitan kung kailangan mo ng propesyonal na tulong tulad ng Mindcare Club o Ateneo Bulatao Center

Maaari ka ring magbasa ng tips upang mabawasan ang iyong anxiety at makiisa sa mga live streaming na nagpapaliwanag kung paano magkaroon ng mental strength sa panahon ngayon.

7. Tanggapin ang kasalukuyang sitwasyon

woman-in-gray-t-shirt-covering-face-with-white-maskPhoto courtesy of Gustavo Fring via Pexels

Suki, hindi mo kailangang pukpukin ang sarili mo na maging productive araw-araw at magpanggap na normal mong magagawa ang mga dati mong gawain at trabaho bago sumulpot ang pandemic.  

Hindi normal ang nangyayari at kailangan mong matutuhang tanggapin na ang nangyayari ay bagay na hindi mo kayang kontrolin. Delikado ang pagpupumilit mong gawin ang mga dati mong ginagawa dahil malaki ang maaaring impact nito sa iyong mental na kalusugan. Halimbawa nito ang pagkabalisa mo sa kawalan ng iyong gains dahil sa pagsasara ng mga gym.

Learning to accept and yield to the situation is not the same as accepting defeat. Ngayon ang panahon na kailangan mong alagaan ang iyong sarili at huwag magpadala sa mga pressure ng dati mong pang-araw-araw na buhay. 

Alamin ang iyong limits at respetuhin ito. Makatutulong ang pagpaplano at pagkakaroon ng maayos na oras upang balansehin ang iyong leisure at productivity time lalo na if you work from home. 

Samantalahin ang oras na mayroon ka upang bumalik sa mga hobbies na ‘di mo na nagagawa tulad ng pagtugtog ng mga musical instrument. Marami ring kurso online na maaari mong subukan tulad ng mga ino-offer ng TESDA at Coursera. Makatutulong ito upang maiwasan ang brain atrophy o pagpurol ng utak. 

Ilan lamang ito sa mga mahahalagang aral na dapat mong tandaan, Suki, upang mapanatili ang iyong physical health at mental sanity. Tulad ng nangyari sa mga nagdaang sakuna, tandaan na lilipas din ito at huwag kalimutan na alagaan ang iyong sarili at pamilya sa kasalukuyang coronavirus pandemic. 

Higit sa lahat, subukang mag-donate sa mga kapus-palad at mga frontliners na nagbubuwis ng buhay nila laban sa coronavirus pandemic. Sama-sama nating haharapin ang pandemic na ito, mga Suki. Kaya natin ‘to!

Share: