Tumulong Sa Mga Nasalanta With This Modern Bayanihan Guide

Blog

December 21, 2020

Tumulong-Sa-Mga-Nasalanta-With-This-Modern-Bayanihan-Guide

Hindi biro ang paghagupit ng mga nagdaang bagyo sa Pilipinas— umabot sa 10 bilyong piso ang halaga ng nasira dahil sa mga ‘to. Marami ang nawalan ng tahanan at hanapbuhay sa gitna ng isang pandemic. In the spirit of modern bayanihan, dumagsa ang tulong mula sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa mga nasalanta ng sakuna.

Kahit lahat tayo’y may kasalukuyang kinakaharap dahil sa COVID-19 crisis, marami pa rin ang piniling magbigay ng donasyon at oras para sa mga biktima ng bagyo. Likas kasi sa mga Pinoy ang pagiging resilient at matulungin sa kapwa— nanalaytay sa ating dugo ang bayanihan o pagtulong sa kapwa tao, isang Filipino trait na minana pa natin sa ating mga ninuno.

Sa pagsapit ng Pasko, nararapat lang na i-exercise natin ang modern bayanihan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga naging biktima ng sakuna. Kung naghahanap ka ng paraan para makatulong, narito ang isang maikling guide para sa’yo!

1. Mag-donate ng necessities para sa mga nasalanta.

dec-modern-bayanihan-guide-1Photo courtesy of Raphael Maksian via Unsplash

Ang pangunahing pangangailangan sa ngayon ng mga nasalanta ay ang pagkain, damit, at toiletries. Marami ang nakatira pa rin sa evacuation centers at nangangailangan ng pantawid-gutom at panligo.

Kung magbibigay ng pagkain, siguraduhing ready to eat ang mga ito. Dapat ang mga de lata ay nasa easy-to-open cans. Mas mainam din kung ang ibibigay na pagkain ay hindi na kakailanganin ng tubig upang maitabi ito para sa pag-inom.

Kung magbibigay naman ng damit, mas mainam kung bago ang mga ‘to para maiwasang magpakalat ng mikrobyo o virus. Importante ding magdonate ng mga hygiene kits na naglalaman ng PPEs, face masks, at hand sanitizer.

2. Mag-volunteer na magdistribute ng relief goods.

dec-modern-bayanihan-guide-2Photo courtesy of Joel Muniz via Unsplash

Kung hindi ka makapagbigay ng donasyon, pwede ka ring tumulong sa pamimigay ng relief goods. Hindi mo kailangang lumayo— maghanap ng pinakamalapit na donation drive at doon magvolunteer ng ‘yong oras.

Dapat laging nakamask at face shield ka— maraming tao ang makakaharap mo sa pamimigay ng relief goods kaya dapat lang na protektado ka. Siguraduhin ding nakakapaghugas ng kamay o makapag-alcohol para maiwasang kumalat ang virus.

Dapat ding i-observe ang social distancing sa mga relief efforts na pinupuntahan mo para maprotektahan ang lahat ng involved. Pwede kang humingi ng tulong sa mga charity organizer para ipatupad ang ligtas na distansya para sa mga volunteer at nasalanta. Ilan sa pwede mong tulungan ay ang Office of the Vice President o Red Cross.

3. Idonate ang parte ng 13th month pay sa mga fundraiser.

dec-modern-bayanihan-guide-3Photo courtesy of Kat Yukawa via Unsplash

Para naman sa walang oras magvolunteer, pwede ring magdonate ng cash sa mga fundraiser ng charity organizations. Parating na ‘yong 13th month pay. Kung kakayanin, mainam na makapagbigay ng kahit maliit na parte nito sa mga nangangailangan.

Siguraduhin lamang na lehitimo ang ‘yong pinagbibigyan dahil mayroong mga online donation scam na nananamantala ng mga nagdodonate. Baka imbis na makatulong ay manakawan ka pa. Para rin sa mas madaling pagdodonate, pwede kang gumamit ng mga digital wallet o digital banking options kaya mainam ang pagtatayo ng gantong mga account.

4. Magpatuloy sa‘yong bahay.

dec-modern-bayanihan-guide-4Photo courtesy of Bennett Tobias via Unsplash

Kung mayroon kang kakilalang nawalan ng tahanan, maaari mo rin silang patuluyin sa’yong bahay. Kung mayroon kang bakanteng kwarto, pwede mo silang patirahin habang naghahanap sila ng permanenteng tutuluyan.

Maraming sakit ang pwedeng makuha sa evacuation center. Mainam na magpatuloy ka ng kaibigan o kamag-anak sa’yong bahay para maiwasang magkasakit sila. Siguraduhin lang makapag-swab test sila para tiyak na wala silang dalang sakit sa bahay mo. Mainam din kung ididisinfect mo ang ‘yong tahanan para wala ring sakit na makuha ang ‘yong bisita.

5. Magfoster ng alaga.

dec-modern-bayanihan-guide-5Photo courtesy of Mark Zamora via Unsplash

Kung hindi mo kayang magpatuloy sa’yong tahanan, pwede ka ring pansamantalang umampon ng alagang aso o pusa para magbigay luwag sa mga evacuation center.

Hindi lamang tao ang nangangailangan ng tulong kapag may bagyo. Marami ring alagang hayop ang walang matutuluyan dahil sa nasirang mga tahanan. Para bawasan din ang bigat sa mga evacuation center, magpatuloy ka ng ilang hayop sa’yong tahanan at pansamantalang alagaan sila para sa kanilang mga mo. Pwede ka ring umampon na mismo ng nawawalang aso o pusa kung kaya mo.

Para makahanap ng mga alagang pwedeng ifoster, pwede kang kumontak sa PAWS Philippines o kaya sa Pawssion Project— mga animal shelter na nangunguna sa animal rescue operations kapag may sakuna.

6. Tumulong sa clean up operations.

shovel groundPhoto courtesy of Lisa Fotios via Pexels

Liban pa sa pamimigay ng relief goods, pwede ka ring magvolunteer na maglinis ng putik at nabahang gamit. Napakaraming bahay ang nilamon ng baha noong bagyong Ulysses at nangangailangan ng tulong ang mga may-ari na maglinis para matirhan muli ang kanilang tahanan.

Pwede kang makipag-coordinate sa mga Local Government Unit para makatulong maghakot ng mga basura at maglinis ng mga bahay o kalsada. Kung kakayanin din, magsuot ng PPE para maging ligtas mula sa sakit.

7. Spread awareness of donation efforts.

dec-modern-bayanihan-guide-8Photo courtesy of kaboompics.com via Pexels

Kung hindi mo naman kayang magbigay ng donasyon o magvolunteer sa pamimigay ng relief goods, sapat na rin ang pagpapakalat ng donation efforts.

Magagawa mo ‘to sa simpleng pagseshare ng mga poster sa social media o ‘di kaya’y pagkuwento sa ‘yong mga kaibigan tungkol sa mga fundraiser. Sapat nang maghikayat ka ng ibang tao na tumulong para mas dumami ang nakakaalam ng sitwasyon ng mga nasalanta.

Maraming paraan ng pagtulong sa kapwa tao. Kung hindi mo kayang magdonate o magvolunteer, pwede kang tumulong sa pamamagitan ng pagpopost ng mga directory ng donation drives o ng contact sheet ng point persons ng charity organizations. Huwag manlumo kung hindi ka makapagdonate o magvolunteer. Sapat na ang pagpapakalat ng isyu para maraming makialam at tumulong.

Hindi sina Rolly at Ulysses ang huling bagyong dadaan sa Pilipinas. Marami pang hahagupit sa bansa kaya dadami pa ang magiging biktima. Pero hangga’t mayroong nagmamalasakit at nagpapakita ng bayanihan, hindi mawawalan ng pag-asa ang nasalanta.

Share: