10 Wais Financial Tips Mula sa Self-Made Billionaires

Blog

March 19, 2021

wais-financial-tips

Ang pera pinaghihirapan. Sa dami ng pinagkakagastusan o kung sadyang magastos ka lang, baka hindi maging sapat ang sweldo mo o kita ng negosyo mo para maabot mo ang financial freedom goal mo. Kung financial success ang gusto mong ma-achieve this 2020, handog namin ang 10 financial tips mula sa self-made billionaires na pwede mong sundin at isaulo for your peace of mind (and wallet) ngaying 2020.

1. “The very important thing you should have is patience.” -Jack Ma

Ayon sa list of 2019 world billionaires ng Forbes, si Jack Ma ay number 21 sa pinakamayam sa mundo na may net worth na $37.3 billion. Isang mala-telenovela and naging ni buhay ni Jack Ma. Lumaki siya sa isang mahirap na pamilya sa China, bumagsak siya sa university entrance exam ng dalawang beses, at puro rejected siya sa mga karamihan ng trabahong pinasukan niya. Lahat ng ito ay pinagdaanan niya hanggang sa maging tagumpay ang kaniyang ikatlong internet company na Alibaba. Nitong nakaraang Setyembre 2019 lamang ay nag-resign na siya bilang executive chairman ng Alibaba para i-pursue ang kaniyang philantrophic endeavors sa edukasyon.

Kung ang buhay mo ngayon ay tulad ng buhay ni Jack Ma noon na puro hirap at rejections, sundin ang payo niya na maging matiisin o patient. Pagtiisan mo ang mga bagay na nagpapahirap sa’yo ngayon tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at iba pang drama sa buhay. ‘Wag mong hayaang pigilan ka ng mga ito na magkaroon ng pangarap at abutin ang mga ito. Kung na-reject ka sa isang kumpaniya o nag-fail ang business mo, ‘wag kang susuko hanggang sa makita mo kung saang trabaho o business ka magtatagumpay.

2. “When I was starting, I would keep saying to myself, ‘it doesn’t bother me that I’m small.’” -Manny Villar

man-holding-a-bookPhoto courtesy of bruce mars via Pexels

Sa isang interview ng Esquire Philippines kay Villar noong 2015 inilahad ng entrepreneur- slash-politician ang kanyang kwento noong nagsisimula palang siya sa kaniyang real estate business noong 1975. As of January 2020, pangalawa si Villar sa pinakamayamang tao sa Pilipinas na may net worth na $6.6 billion. Si Manny Villar ang chairman ng mga bigating kumpanya sa bansa tulad ng Starmalls at Vista & Landscapes.

Nakaka-inspire ang sinabi ni Villar sa kaniyang interview lalo na sa mga suki na nagsisimula palang sa kanilang business. Kung tulad ka ni Villar na nagsisimula pa lang sa pagtatayo ng iyong business, ‘wag mong ikumpara ang iyong business sa mga taong napalago na ang business nila. Mag-focus ka lang sa sariling pag-unlad ng business mo. Mararating mo rin ang narating nila, at pwedeng-pwede kang maging self-made billionaire sa sarili mong panahon. Sipag at tiyaga lang, suki!

3. “To save on jeepney fare, I walked every day from my apartment to the UE campus on C.M. Recto.” - Andrew Tan

man-walking-near-body-of-waterPhoto courtesy of Yogendra Singh via Pexels

Isa pang Chinese-Filipino billionaire entrepreneur sa Pilipinas na pwedeng maka-inspire ay si Andrew Tan, chairman ng Alliance Global Group, na nagsimulang mag-operate noong 1994 bilang isang glass container manufacturer hanggang sa nag-expand ang areas of operation nito sa real estate, liquor, gaming, at fast food. Si Tan ang number 10 sa pinaka mayaman sa Pilipinas noong 2019 na may net worth na $2.4 billion.

Naging mahalaga ang bawat halaga ng pera kay Tan simula palang noong bata siya. Dahil laki siya sa hirap, pinagtapos niya ang sarili niya sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagiging isang working student na nagbebenta ng relo at Math tutor. Sa halip na mamasahe sa jeep, pinili niyang maglakad na lamang para makatipid. Tulad niya, suriin ang iyong money habits. Baka may pinagkakagastusan kang pwede mong isakripisyo muna para mas makatipid ka pa. Halimbawa, kung hindi naman ganoon ka init sa labas at malapit lang naman ang pupuntahan mo, baka pwede ka namang maglakad nalang kaysa mag-jeep o tricycle. Nakatipid ka na, nakapag-exercise ka pa, at higit sa lahat, hindi ka pa nag-amoy usok dahil sa grabeng heavy traffic sa Manila. Pwede mo ring subukan na mag-set ng mga wais financial goals ngayong 2020 nang sa gayon ay masimulan mo na ang iyong journey to financial freedom.

4. “Invest in yourself.” - Warren Buffett

Si Buffet ay kilala bilang Oracle of Omaha at chairman at CEO ng Berkshire Hathaway at ang number 3 na pinakamayamang tao sa buong mundo noong 2019 sangayon sa Forbes. Sa kaslakuyuan, meron siyang net worth na $89.4 billion. 

Sa kabila ng kaniyang yaman, pinanatili niyang simple ang kaniyang buhay sa pamamagitan nang hindi pagbili ng mga bagay na mahal at hindi naman kinakailangan. Sa halip na gumastos sa mga gamit, nag-invest si Buffett sa kaniyang sarili. Noon, ang kaniyang kahinaan ay ang public speaking. Para ma-improve ang kaniyang sarili, kumuha siya ng course sa paaralan na Dale Carnegie para magkaroon ng confidence sa public speaking. 

Sabi pa niya, “If you can increase your potential 10 percent, 20 percent, or 30 percent by enhancing your talents, they can’t tax it away. Inflation can’t take it from you. You have it the rest of your life.” Oo, Suki, ang isa sa best way para maging self-made billionaire ka ay kung mag-iinvest ka sa sarili mo.

Kung may talent o interests ka sa buhay, maglaan ka ng oras at pera para i-hone ang skills mo dahil ‘di tulad ng pera, walang sinuman ang pwedeng umagaw nito sa’yo. Isa pa, pwede mo rin itong magamit para kumita ka ng extra na pera.

5. “Start with the problem that you’re trying to solve in the world.” - Mark Zuckerberg

man-sitting-on-sofa-reading-bookPhoto courtesy of Craig Adderley via Pexels

Si Zuckerberg, CEO ng Facebook at ang number 4 sa pinakamayamang tao sa mundo ay may net worth na $78.7 billion. Sinimulan niya ang Facebook noong 2004 habang nag-aaral pa siya sa Harvard sa edad na 19 years old para maging connected ang mga estudyante ng Harvard sa pamamagitan ng internet.

Kung naghahanap ka ng in-demand business ideas para sa extra income, sundin ang financial tip na ito ni Zuckerberg. Maging observant sa inyong lugar at sa pangangailangan ng mga tao. Alamin kung ano ang needs nila na hindi nasasapatan ng mga negosyo sa inyong lugar. Kapag nakapagtayo ka ng isang business na ina-address ang pangangailangan ng mga tao, tiyak na magiging patok ito.

6. “If something is important enough, even if the odds are stacked against you, you should still do it.” -Elon Musk

Si Elon Musk ang CEO at chairman ng Tesla Motors. Kabilang sa mga kumpaniyang itinayo niya ay ang SpaceX, PayPal, at zip2. Siya ang pang-23 sa pinakamayamang tao sa mundo na may net worth na $27.8 billion. Bata palang ay naging entrepreneur na si Musk. Tinuruan niya ang sarili niya kung paano mag code at magbenta ng video games na ginawa niya sa halagang $500.  Nang una siyang dumating sa Canada, pinasok niya ang iba’t-ibang trabaho at nagbenta din ng mga computer parts para kumita ng extra. 

Tulad ng financial tip ni Musk, kung may idea ka na alam mong magandang pagkakitaan, kahit pa wala kang mahagilap na susuporta sa iyo, o sabihin ng iba na hindi ka kikita doon, ituloy mo pa rin kasi hindi mo malalaman kung ano ang kalalabasan ng ideya mo kung hindi mo ito susubukan. 

7. “It’s important to be willing to make mistakes.” -Sara Blakeley

woman-in-white-shirt-using-smartphonePhoto courtesy of bruce mars via Unsplash

Si Sara Blakely ang founder ng Spanx, isang shapewear brand na nagbebenta ng undergarments, leggings, swimwear, at maternity wear sa 65 na bansa. Siya ang number 23 na pinakamayamang tao sa mundo na may net worth na $1.1 billion. 

Iba’t ibang trabaho ang pinasok ni Blakely. Halimbawa ay nagtrabaho siya bilang chipmunk mascot sa Disney, nagbenta ng fax machine, at nag-stand up comedian bago niya nabuo ang Spanx. Ang kaniyang roller coaster ride sa pagiging isang self-made billionaire ay hindi madali. Bago siya naging successful, marami muna siyang failures na hinarap.

Ilang beses ka na rin bang nasawi hindi lang sa pag-ibig, kundi sa trabaho at negosyo, Suki? Kung oo, isapuso ang advice ni Blakely. Dahil di ka perfect, talagang pwede kang makagawa ng maling mga decision sa business at trabaho. Dapat tanggap mo iyon. Pero magiging successful kang totoo kung hindi ka susuko at sisikapin mong matuto mula sa pagkakamali mo at huwag nang uulitin pa ito.

8. “Love what you do or don’t do it.” - Mark Cuban

Si Mark Cuban ang founder ng video portal na Broadcast.com kasama ang isang partner sa Indiana University noong 1995 at ibinenta nila ito sa Yahoo sa halagang $5.7 billion noong 1999. 

Hindi pinanganak na mayaman si Cuban. Nagbenta siya ng mga stamps at nagturo ng disco lessons para makapag-aral siya sa Indiana University. Sa ngayon, siya ang may-ari ng NBA team na Dallas Mavericks at iba pang mga kumpanya. Siya ang number 179 na pinaka mayamang tao sa mundo na may net worth na $4.1 billion.

Totoo, kailangan mong magtrabaho at mag-effort para maging self-made billionaire. Pero ang tanong, masaya ka ba doon? Yung trabaho o negosyo ba na papasukin mo eh mamahalin mo? Kakailanganin mong mag sakripisyo para sa trabaho o negosyo na sisimulan mo Suki kaya naman mahalagang tiyakin sa sarili mo na mahal mo kung ano ang ginagawa mo nang sa gayon ay maging masaya ka at maging madali para sa iyo na gawin ang mga sakripisyong kinakailangan para maging financially successful ka. 

9. “I hope the way you spend your money is in line with the truth of who you are and what you care about.” -Oprah Winfrey

woman-wearing-black-sweater-holding-fleece-clothPhoto courtesy of Tirachard Kumtanom via Pexels

Aakalain mo ba ang unang sweldo ni Ophrah Winfrey, na number 20 na pinakamayamang tao sa mundo, ay $.50 cents lang per hour bilang babysitter? Ngayon, siya ay may net worth na $2.7 billion. Hindi lang sikat si Oprah sa dahil sa kaniyang pagiging hit talkshow host, rags-to-riches story, at pag-aari niya kundi dahil sa paraan kung paano niya ito ginagamit. 

Napaka-praktikal ng kanyang financial tip para sa lahat ng tao. Gumastos base sa kakayahan mo hindi para lang magpa-impress sa iba. Sa panahon ngayon kung saan maraming tao ang willing mangutang makuha lang ang uso, piliin mong maiba. Maging totoo ka sa sarili mo, Suki at sa financial capacity mo. Kung gagastos ka based sa kakayahan mo at sa pangangailangan mo, matatamo mo ang financial freedom at peace of mind na wala ang mga taong baon sa utang. 

10. “I was always thinking about what I am going to say if they reject my proposals, because the rejections were constant, you need to prepare well.” -Zhou Qunfei

group-of-people-sitting-indoorsPhoto courtesy of fauxels via Pexels

Si Zhou Qunfei ang founder at CEO ng Lens Technology, isang smartphone screen supplier. Bago siya maging number 67 sa pinakamayamang tao sa mundo na may net worth na $7.3 billion, ang ulila sa ina ay nagtrabaho bilang isang migrant factory worker noong teenager siya para itaguyod ang kaniyang pamilya at suportahan ang kaniyang amang bulag.

Para kay Qunfei, ano mang business ventures o trabaho ang papasukin mo, mahalaga na lagi kang handa lalo na kung makikipag-halubilo ka sa mga cliente at investors. Hindi naman ka-praningnan kung meron kang plan A, B, hanggang Z. Pinapakita lang nito na professional at maalam ka sa trabaho at mahalaga para sa iyo ang business mo at ang mga taong kausap mo. Kaya kapag may business ka, Suki, pag-aralan ito maigi at subukang alamin ang mga problema na pwedeng bumangon at mag-isip na agad ng solusyon para dito.

Sana ay na-inspire ka sa mga praktikal financial tips na nabasa mo Suki. Ayon sa isang report, 55.8% ang self-made billionaires sa mundo; kung kinaya nila ‘yun, kakayanin mo rin! Kaya Suki, kung ano pa ang pinagmulan mo o buhay mo ngayon, kung may sipag, tiyaga, at tiwala ka, kayang-kaya mong gawin ang sarili mo na milyonaryo, o bilyonaryo pa nga!

Share: